KRIZEA MARIE KIAMCO DURON FIL 13-P
SEAT NO.: 6 G. ROMUALDO BACHA
Kilos Kabataang Pinoy!
Sino sa inyo ang bulag? Ilan sa atin ang bingi? Sino at ilan ang pipi?
O baka naman mali ang aking mga naitanong at ito ang tama.
Sinu-sino sa atin ang pulos nabiyayaan ng mga mata, tainga at bibig ngunit hindi naman pinapakinabangan?
Sa aking mga kapwa Kabataang Pinoy, sa ating kagalang-galang na guro, mga kaibigan, isang mabiyayang hapon sa ating lahat!
Aking mga tagapakinig, huwag po nating itago sa ating mga isip ang katotohanang nangyayari sa ating henerasyon ngayon. Maraming kabataan ang lulong sa droga, hindi makapag-aral dahil sa pagkasugapa sa shabu, marijuana, at iba pang gamot. Marami sa atin ang isinusuka na ng lipunan sapagkat pawing kasamaan ang ginagawa. Marami ang nasasangkot sa pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa at iba pang masamang gawain. Mga kabataang manhid sa mga limitasyon ng mga pinapasok na gumagapang na mga relasyon na nagdudulot ng di-inaasahang pagsabak sa isang matinding responsibilidad sa kabila ng kabataang pag-iisip.
Nasaan na ang kabataang binabanggit ni Gat Rizal? Nasaan na ba ang pag-asang kanyang hinahanap sa katauhan nating mga kabataan? Nakakatawa nga naman ano? Ilang henerasyon na ba ang nagdaan mula nang binitawan ng ating Pambansang Bayani ang kanyang sumpa sa ating mga kabataan? Sumpang dahil sa ating makapangyarihang anting-anting ay ating nalabanan. Sino ba ang nagkamali? Si Rizal ba? Si Rizal na makata, manunulat, alagad ng Sining, mangingibig, doctor, makabayan? At dahil tayo’y malaking pilosopo ay ating sasabihin na,
“Aba’y oo! Si Rizal ang nagkamali!”
Iyan. Iyan mismo ang sumisira sa atin. Puno tayo ng mga pagtatanggol sa sarili para makawala sa ating mga pagkakamali. Kailan ba matatapos ang ating walang kakupas-kupas na diyalogo sa ating mga magulang na,
“Mahal ko po siya. Hindi po namin sinasadya!”
Pwede ba?! Gumising tayo kabataan! Magmasid tayo, makinig at magsalita para sa pagbangon ng totoong Kabataang Pinoy! Huwag tayong magpadala sa ating emosyon. Huwag nating gawing mas masalimuot ang matagal na nating masalimuot na mundo. Kaya’t ipagbunyi ang kabataang hindi pa nagpapalason sa kinang ng kapangyarihan at hindi nalulunod sa komersyalismong hatid ng makabagong teknolohiya, mga kabataang hindi nababahag ang buntot na labanan ang masamang epekto ng bisyo at droga, ng mga maagang relasyon. Mga kabataang agresibo sa tunay na pagbabgo. Mga kabataang puno ng pangarap. Mga kabataang isinasapuso pa rin ang aral, habilin at ideolohiya ni Gat Jose Rizal.
Tayo ba iyon mga kapwa ko Sillimanian?
Magmasid. Makinig. Magsalita.
Kilos Kabataang Pinoy!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento